Monday, February 29, 2016

Pagkilala at Pasasalamat

 
Matagal ko ng naiisip na gawin ang blog na ito na ang pakay ay ipaliwanag ang science sa likod ng mga pagkaing Pilipino. Ang dalawa sa pinakamalaking nag impluwensya sa akin ay ang Good Eats ni Alton Brown at ang mga Japanese cooking shows na ipinapalabas sa NHK channel, lalu na ang Dining with the Chef.
 
Sa dalawang palabas na ito aking naunawaan na sa pagluluto, mahalaga maunawaan kung ano ang proseso na nagaganap sa mga sangkap upang makalikha ng mga pagkaing masarap at ka-aya aya.
 
Sa pagpapaliwanag ng siyensa sa likod ng pagluluto ng pagkaing Pilipino, makatutulong din tayo na palaganapin ang siyentipikong kaisipan na kumikilala sa proseso sa halip na simpleng galing at abilidad lamang. Ang science ay hindi lamang para sa mga siyentipiko na pinag-aaralan ito sa laboratory kundi ito ay para sa lahat at isang lugar na napakagandang matutunan ito ay sa kusina.
 
Bukod sa dalawang palabas na aking nabanggit, sa aking pagsasaliksik ng material para sa blog na ito, nakilala ko pa ang ilang personalidad sa internet, lalu na sa Youtube tulad ni Chef Heston Blumenthal, Chef Steps atbp. Sa blogosphere naman nariyan ang Food Recap ni Marvin Vicero isang Pilipinong food tech  na may adhikain din na magbahagi ng kanyang kaalaman at impormasyon. Saludo ako sa magandang adhikain niya na tahimik niyang ginagawa.
 
Nais ko rin banggitin dito ang dalawang faculty members ng UPLB Food Science Center na si Ms Dory de Villa at Mafe Ombico na aking nakilala ng kumuha ako ng maikling food processing training course doon. Bagamat maikli lang ang aming training, nakita ko sa kanila ang kanilang passion sa pagtuturo at walang sawang kahandaang ibahagi ang kanilang kaalaman. Sa isang banda, ang hangad ko na palalalimin pa ang aking karampot na kaalaman sa pagkain at ang suporta nina Ma, Dory at Mafe ang lalo pa nagpalakas ng aking loob na ituloy nga aking balak.
 
Ang pagpapaliwanag ng science sa likod ng pagluluto ay hindi na bago. Marami na ang gumawa nito. Pero ang susubukin kong gawing kakaiba at bago ay gawing process at science oriented ang pag iiisip ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagluluto sa kusina.

Sunday, February 28, 2016

Unang Post -Bakit?

Naisip kong gawin ang blog na ito dahil naniniwala ako sa kahalagahan ng science at mahilig akong kumain.

Sa kusina, walang himala pero meron science. Dahil dito, mahusay na gamitin ang kusina upang ituro at palaganapin ang kaisipang scientipiko sa mga karaniwang tao na walang masyadong muwang dito.

Bukod rito, naniniwala din ako na upang ma-iangat ang lutuing Pilipino, kailangan maunawaan ng mga nagluluto kung anong proseso ang ginagawa nila sa pagkain habang sila nagluluto.

Hindi ako siyentipiko kaya pahapyaw lang din ang aking maibabahaging kaalaman. Ngunit umaasa ako na makahikayat ng mga siyentipiko at iba pang mga panauhin na magbahagi ng kanilang kaalaman. Sisikapin ko rin na bigyan puwang dito ang mga nasa linya ng pagkain at pagluluto ang kabuhayan. Bukod rito, balak ko din na magpost nang mga recipe na sa aking palagay ay maaaring magamit sa kabuhayan.

Hindi ko alam kung hanggang saan ang mararating ng blog na ito at kung may sasang-ayon sa aking adhikain. Pero hangad ko lang na sa maliit na paraang ito, ay makatulong ako sa pagpapaunlad ng ating food culture at kung saan maaari ay makatulong din sa ating mga kababayan.

Sa pagsulat ng blog na ito, naipasya ko na wikang Pilipino ang gamitin hanggat maaari hindi lang
upang abutin ang mas nakararami sa ating mga kababayan kundi tiyakin na kung may maibabahagi man akong kapaki-pakinabang ay matiyak na ang makikinabang nito ay ating mga kababayan.