Sunday, February 28, 2016

Unang Post -Bakit?

Naisip kong gawin ang blog na ito dahil naniniwala ako sa kahalagahan ng science at mahilig akong kumain.

Sa kusina, walang himala pero meron science. Dahil dito, mahusay na gamitin ang kusina upang ituro at palaganapin ang kaisipang scientipiko sa mga karaniwang tao na walang masyadong muwang dito.

Bukod rito, naniniwala din ako na upang ma-iangat ang lutuing Pilipino, kailangan maunawaan ng mga nagluluto kung anong proseso ang ginagawa nila sa pagkain habang sila nagluluto.

Hindi ako siyentipiko kaya pahapyaw lang din ang aking maibabahaging kaalaman. Ngunit umaasa ako na makahikayat ng mga siyentipiko at iba pang mga panauhin na magbahagi ng kanilang kaalaman. Sisikapin ko rin na bigyan puwang dito ang mga nasa linya ng pagkain at pagluluto ang kabuhayan. Bukod rito, balak ko din na magpost nang mga recipe na sa aking palagay ay maaaring magamit sa kabuhayan.

Hindi ko alam kung hanggang saan ang mararating ng blog na ito at kung may sasang-ayon sa aking adhikain. Pero hangad ko lang na sa maliit na paraang ito, ay makatulong ako sa pagpapaunlad ng ating food culture at kung saan maaari ay makatulong din sa ating mga kababayan.

Sa pagsulat ng blog na ito, naipasya ko na wikang Pilipino ang gamitin hanggat maaari hindi lang
upang abutin ang mas nakararami sa ating mga kababayan kundi tiyakin na kung may maibabahagi man akong kapaki-pakinabang ay matiyak na ang makikinabang nito ay ating mga kababayan.





No comments:

Post a Comment